Sana’y Panaginip Na Lang
Alas tres na ng umaga at ako ay pauwi pa lamang galing sa isang kasiyahan sa bahay ng barkada ko. Siguradong lagot ako kay mama,
Naku po! Lagot na. Mukang gising pa siya. Nakabukas pa ang ilaw sa sala. Ewan ko ba kung paano ko ipapaliwanag kay mama ‘tong ginawa ko…bahala na nga!
Dahan-dahan ko’ng binuksan ang pintuan ng aming bahay, at unti-unti akong pumasok na may inaasahang isang malakas na bulyaw galing kay mama. Subalit, nakapagtataka, walang taong sumalubong sa akin. Siguro ay nakatulog na sila at nakalimutan lang patayin ang ilaw dito. Buti na lang. Haaay, makatulog na nga rin, at pagod na ako. Bukas ko na lang sasaluhin lahat ng bulyaw ni mama sa akin.
Pero bakit parang kinikilabutan ako? Parang nanlalamig ang buo ko’ng katawan. Hindi ko maiangat ang mga paa ko. Epekto ba ‘to ng sobrang pagod, o ng sobrang kaba kanina? Ah basta, ayoko nang mag-isip! Gusto ko nang matulog.
Habang naglalakad paakyat ng kuwarto ko, nasulyapan kong bukas pa rin ang ilaw sa silid ni mama. Malamang, gising pa siya. Sige na nga, pupuntahan ko na siya upang magpaliwanag. Ngunit ano naman ‘tong naaamoy ko?
Nang pinasok ko na ang kuwarto ni mama, bumalik ang lahat ng nararamdaman ko kanina. Kinilabutan, nanlamig, ‘di makagalaw, at nagulat. Nakita ko ang buong kuwarto na nakakalat ang mga kagamitan, punong-puno ito ng gas na tila ay may gustong sumunog sa bahay namin, at nakita ko si mama, duguan. Dali-dali kong nilapitan si mama. May nakita akong isang kutsilyo sa lapag. Tila ito ang ginamit sa paglusob sa kanya. Hinagkan ko siya at pinilit buhatin upang dalhin sa ospital, ngunit huli na ang lahat. Hindi na siya humihinga…
Bigla na lang akong nagising sa isang matinis na boses.
“Hoy! Saan ka na naman nanggaling kagabi ha! Lintek na bata ka! Hindi ka na nga nagpaalam, inabot ka pa ng umaga! At bakit ka diyan sa sala natulog?! Wala ka na talagang ginawang matino!”
Pagdilat ko ay nakita ko si mama na nang gagalaite sa galit. Aba’y kulang na lang eh, hampasin ako ng maso!
Ha?! Buhay si mama?! Napapikit muli ako at napangiti. Buti na lang, isang panaginip lang ‘yung nangyari. Ang buong akala ko, katapusan na ng mundo. Pero, siguradong matatapos din ang mundo ko kung ‘di ko magpapaliwag kay mama. Sinalubong ko si mama ng isang magandang “Good Morning Po!” sabay yakap sa kanya.
“At akala mo, madadaan mo ko sa pa good mo-good morning at sa payakap-yakap mo?! Hindi noh! Mahabang pagpapaliwanag ang gagawin mo sa akin!”
“Opo, magpapaliwanag naman po ako eh. Pero kakain po muna ko ng almusal ko.”
Si mama talaga. Kung alam niya lang kung ano ‘yung napanaginipan ko, siguro, ‘di na niya ko pagagalitan. Hmp! Makakain na nga lang.
Pasado alas-onse na ng tanghali at natapos na rin ang mahabang pagpapaliwanag ko kay mama. At parang gusto ko nang bumalik sa bahay ng barkada ko, at doon muli mag tambay. Pero sa hindi ko maintindihan na kadahilanan, hindi na naman ako magpapaalam kay mama. Tatakas na naman ba ako? Tapos pag-uwi ko, may bulyaw at hiyaw na naman ako kay mama. Ewan ko ba. Parang mas gusto ko na iyon kesa sa hindi ako payagan.
Kaya dahan-dahan akong lumabas sa aming pinto. Magaling, hindi niya naramdaman. Binuksan ko ang “gate” namin…naku po! Narinig ni mama yung maingay at matinis na tunog nito. Nalintekan na ko.
“Hoy bata ka! Saan ka na naman ba pupunta?! Bumalik ka nga dito!”
“Diyan lang po sa kanto, bibili ng “ice cream.”
Hmm, muka namang nakumbinsi ko siya. Kakaripas na nga ako ng takbo at baka makita pa niya kong papunta sa barkada ko.
Habang tumatakbo, nakakita ako ng isang mamang pulubi.
“Boy, maawa ka na, may piso ka ba diyan, hindi pa ako nag-aalmusal eh. Kahit piso lang.”
Bigla ko’ng naalala yung almusal ko kanina. At bigla ko ring naalala, na naiwan ko pala yung pitaka ko. Pano na yan, siguradong kukulitin ako ng matandang ‘to pag ‘di ko siya binigyan ng piso.
“Manong, naiwan ko po kasi yung pitaka ko, kung gusto niyo po, hintayin niyo ako dito at kukuha lang po ako ng pera sa bahay ng kaibigan ko.”
“Salamat anak. Salamat. Nawa’y gabayan ka ng sariling kakayahan na baguhin ang sariling tadhana, at ibahin ang nakatakda. Huwag mong laruin ang dapat mangyari, subalit dapat mo itong intindihin sa iyo’ng sarili.
Ano daw? Gabayan ng sariling…ano ulit yun? Ang mga matatanda nga naman, kung anu-ano na ang mga sinasabi. Pero bakit kinikilabutan ako? Natatakot ba ako sa sinabi ng matanda na hindi ko naman naintindihan? Hindi naman siguro. Makapaglakad na nga lang.
Haaay, sa wakas, nandito na rin ako. Pero bakit may mga taong nagkukumpulan sa labas ng bahay nila? May artista ba? May “rally” ba? At ano tong papadating? Ambulansya! Naku po! Ano nangyayari?!
“Boss, boss, pwedeng magtanong?! Anong nangyayari dito? Bakit may ambulansya?! Bakit maraming tao?!”
“Meron daw kasing natagpuang bangkay. Tila kagabi pa daw pinaslang. At parang nagkaroon pa ng party bago maganap ang krimen.”
Ha?! Ang kaibigan ko?! Patay na?! Pero imposible to! Eh, ang saya-saya pa namin kagabi tapos ngayon, patay na siya?!
Sumama ako sa prisinto upang tumulong sa pag-iimbistiga ng kaso. Napakahabang proseso pala nito. Mayroon daw natagpuang kutsilyo sa pinag-ganapan ng krimen na maaaring ginamit sa pagpaslang. Pero bakit parang pamilyar sa akin yung kutsilyo? Parang, nakita ko na iyon. Mayroon ba kaming ganon sa bahay? Sa susunod ko na lang iyan iisipin. Dapat ko munang pagtuonan ng pansin ang nangyari sa kaibigan ko.
Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang makatulong. Ikinuwento ko ang lahat ng aking nalalaman na maaaring makapagbigay sagot sa insidente. Pero hindi ko pa rin lubos na matanggap sa sarili ko na wala na nag kaibigan ko.
Alas tres na ng madaling araw, nang nilisan ko ang presinto. Ay! Nakalimutan ko! Hindi nga pala ako nakapagpaalam kay mama! Siguradong lagot na naman ako sa kanya.
Kumaripas ako ng takbo hangang makarating sa bahay. Bukas pa uli ang ilaw sa sala. Mukhang, sa pagkakataong ito, hinintay na niya talaga ako upang sermonan.
Dahan-dahan ko muling binuksan ang pintuan, wala si mama doon. Bakit kaya? Tinignan ko sa kusina, wala rin siya. Kinatok ko ang banyo, walang sumasagot. Kinikilabutan muli ako. Kinabahan. Pinagpawisan. Parang ayokong umakyat sa kuwarto ko. Ngunit dapat.
Dahan dahan kong inakyat ang hagdanan. Nasilayan kong, bukas pa ang ilaw ng kuwarto ni mama. Naglakad pa muli ako ng kaunti. Nakaamoy ako ng gas. Sandali lang, parang alam ko na ‘to ha. Kung hindi ako nagkakamali…oh hindi! Si mama!
Dali-dali akong pumasok sa kuwarto niya na walang ibang nasa isip kundi ang pagka-takot. Paghakbang ko sa harap ng pinto ng kuwarto, ay nakita ko na nakakalat ang mga kagamitan, punung-puno ito ng gas na tila ay may gustong sumunog sa bahay namin, at nakita ko si mama, duguan.
“Mama! Mama!”
Ngunit huli na ang lahat. Hindi na siya humihinga. Wala akong magawa sa Mga sandaling iyon kundi ang umiyak at magtanong sa sarili kung sino ang maaaring gumawa nito. Hanggang sa may napansin ako… Ano itong hawak ko? Bakit mayroon akong hawak na kutsilyo?.





Pao. music, long walks, illustrating dreams, tennis, films, collecting memories, gigs, fruit juices, posters, scribbles, choosing. 
0 Comments:
Post a Comment
<< Home